-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Pinaka-kulelat umano ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya kung pag-uusapan ang paghawak sa isyung panseguridad.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay National Security Adviser General Hermogenes Esperon Jr., sinabi nito na sa mga bansang Singapore, Malaysia, Indonesia at Australia ay maaaring ikulong ang isang taong pinagsususpetsahan ng mula pito hanggang 30 araw.

Pero sa Pilipinas aniya ay kailangang masampahan ng kaso sa loob ng 72 oras ang isang hinihinalang terorista o komunista dahil kapag napatagal ng tatlong araw ay bubuweltahan ang mga otoridad ng illegal detention at iba pang mga asunto.

Sinabi ni Esperon na kailangan ng bansa ang mas matalim na batas para masugpo ang terorismo at violent extremism lalo na sa rehiyon ng Mindanao.

Kaya naman umaasa ang opisyal na maamiyendahan na ng Kongreso ang Human Security Act o ang Anti-Terrorism Law na inaasahang magdaragdag ng bigat na parusa sa mga mapapatunayang sangkot sa terorismo o matinding karahasan.