-- Advertisements --

Dumating na sa bansa ang 82 miyembro ng Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent na tumulong sa mga mamamayan ng Turkey matapos ang pananalasa ng magnitude 7.8 na lindol.

Dakong 9:40 nitong gabi ng Martes ng lumapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ang sinakyan ng grupo na Turkish Airlines flight TK 264.

Ang grupo ay binubuo mula sa personnel ng Department of Health (DOH), Armed Forces of the Philippines, Metropolitan Manila Development Authority, Subic Bay Metropolitan Authority, at Office of Civil Defense (OCD).

Personal na sinalubong nina Turkish Ambassador to the PH Niyazi Akyol kasama sina Department National Defense (DND) officer-in-charge Carlito Galvez Jr at OCD Assistant Secretary Raffy Alejandro ang grupo.

Pinasalamatan ni Akyol ang grupo dahil sa pagtulong nila sa mga biktima ng lindol.

Sasailalim ang grupo sa psychosocial debriefing bago sila magsipag-uwian sa kanilang pamilya.

Nakumpleto ng grupo ang operasyon sa 36 na bumagsak na gusali at nailabas nila ang anim na bangkay mula sa mga gusali mula Pebrero 11 hanggang 24.