Humigit-kumulang 100 sasakyan sa Metro Manila ang kinuha ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong nakaraang linggo dahil sa illegal parking.
Ayon sa MMDA, patuloy ang kanilang paghabol sa mga motorista na nakaharang ang mga sasakyan sa mga pampublikong kalsada sa metropolis.
Nag-isyu ang mga tauhan ng MMDA ng citation tickets sa 87 mga driver at owner dahil sa illegal parking na naiwang nakaparada ang mga sasakyan sa kahabaan ng Quezon Avenue sa Biak na Bato, Quezon City; Dapitan at Blumentritt Streets sa Maynila; Ortigas Avenue malapit sa La Salle Greenhills sa Mandaluyong City; at F. Bluementritt, F. Manalo, Parada, Wilson, Annapolis at Connecticut Streets sa San Juan City noong Huwebes.
Samantala, pinagsabihan din ng MMDA ang mga tsuper ng public utility vehicles tulad ng mga jeepney na kumukuha at nagbababa ng mga pasahero sa mga lugar na itinuturing na ilegal para sa loading at unloading sa EDSA Rotonda sa Pasay City.
Gayunpaman, pagmumultahin ng P1,000 ang mga motoristang mahuhuli sa illegal parking habang P2,000 naman ang parusa sa unattended parking, o kapag naiwang nakaparada ang sasakyan nang walang driver.
Nananatili ang mga multa matapos ipagpaliban ang panukalang taasan ang mga ito sa P4,000.