Nananatili pa rin sa mga evacuation center ang humigit-kumulang 13,000 pamilya na una nang inilikas dahil sa naging epekto ng supertyphoon Egay at Habagat.
Ito ay batay sa August 1 data ng ng Department of Social Welfare and Development(DSWD).
Sa datus ng Disaster Response Operations Monitoring and Information Center na nasa ilalim ng nasabing ahensiya, 12,983 families ang pansamantalang naninirahan sa mga evacuation center. Ito ay katumbas ng 47,727 katao.
Maliban dito, humigit-kumulang 56,000 pamilya pa rin ang umanoy nanunuluyan sa kanilang mga kamag-anak.
Umabot na rin sa 1,697 na kabahayan ang labis na nasira ng nasabng supertyphoon. Sa mga partially-damaged, umabot na ito sa 44,844 na kabahayan.
Sa kasalukuyan, umabot na rin sa P142Million ang halaga ng mga tulong na naipamigay ng DSWD sa mga apektadong residente.
Pagtitiyak naman ng kagawaran, nananatiling sapat ang pondo at stockpiles ng mga relief goods para sa mga apektadong residente.