DAGUPAN CITY —Humigit kumulang 300 baboy ang isinailalim ngayong hapon sa culling o pagpatay dahil sa African Swine Fever (ASF) sa dalawang barangay sa bayan ng Malasiqui, dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Ito ang kinumpirma ni Dr. Jovito Tabarejos, Assistant Provincial Veterinarian, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, matapos na magpatawag ng emergency meeting si Pangasinan Gov. Amado ‘Pogi’ Espino III dahil sa muli na namang pagkakatala ng ASF sa ilang lugar sa probinsya.
Ayon kay Tabarejos, sa kanilang patuloy na pag-iimbestiga matapos ang pagkamatay ng ilang mga baboy sa Brgy. Linoc sa bayan ng Binmaley, natuklasan na galing sa bayan ng Malasiqui ang ilan sa mga ito na binili para sa isang kasalan subalit namatay na bago pa man makatay dahil sa sakit. Aniya, galing ang baboy sa Brgy. Apaya, Malasiqui na nakapagtala din ng pagkamatay ng mga baboy kayat kumuha din sila ng mga blood samples kung saan ito ay nagpositibo sa ASF.
Dahil dito ayon pa kay Dr. Tabarejos, pinatay na o isinailalim na sa culling ang hindi bababa sa 300 baboy sa Brgy. Apaya at kalapit nitong Brgy. Tulong.
Kasunod nito, siniguro naman ng opisyal ang ayuda ng Pamahalaang Panlalawigan para sa mga apektadong hog raisers.