Iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagtulong ng pamahalaan sa kabuuang 37,000 sumukong mga rebelde sa pamamagitan ng livelihood program.
Ayon kay DSWD Undersecretary Alan Tanjusay, malaking bahagi ng naturang bilang ay mula sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), na may kabuuang 26,000 combatants.
Mahigit 8,000 sa mga ito ay mga rebeldeng kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army.
Sa panig ng Moro National Liberation Front (MNLF) mayroon itong 2,000 fighters habang 1,000 mieyembro naman ang nagmula sa Abu Sayyaf.
Ayon kay Tanjusay, ang mga dating rebelde ay nabigyan ng kani-kanilang livelihood habang ang iba ay bumuo ng mga grupo at binigyan ng malalaking pondo mula P100,000 hanggang P300,000
Nagawa na rin aniya ng mga ito na bumuo ng sarili nilang komyunidad kung saan ang ilan sa kanila ay nagbebenta ng mga used clothing (ukay-ukay), mga gulay, prutas, at iba pa.
Ang iba sa kanila aniya ay nagbibiyahe at nagbebenta ng mga isda, at nagbabahay-bahay.
Ayon pa sa opisyal, 78% sa mga ito ay patuloy nang nagpro-progreso sa kanilang sinimulang livelihood program.
Nais aniya ng mga ito na magkaroon ng maayos na buhay kasabay ng kanilang pagbabalik-loob, at dito sila binibigyang-gabay ng gobyerno.