DAGUPAN CITY — Humigit kumulang 40 heavily armed men ang patuloy ngayong isinasailalim sa hot pursuit operation ng mga otoridad sa bayan ng Mangatarem.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni P/Maj. Fernando Fernandez Jr., tagapagsalita ng PNP Pangasinan, sa kanilang natganggap na impormasyon mula sa site, humigit kumulang 40 na mga pinaghihinalaang miyembro ng rebeldeng New Peoples Army na armado ng mga matataas na kalibre ng baril ang nakasagupan ng mga sundalo.
Bandang alas-5:30 ng umaga ng magsimula ang engkuwentro sa pagitan ng hinihinalang miyembro ng Kilusang Tarzam na isang rebeldeng paksyon ng NPA at ng mga miyembro ng 702nd Infantry Division sa Brgy. Lawak Langka at hanggang sa kasalukuyan ayon kay Fernandez, ay patuloy na tinutugis ang mga ito.
Samantala, hinihiling ngayon ni Mangatarem Mayor Ramil Ventinella sa kaniyang mga kababayan ang pagdarasal kasunod ng engkwentro sa pagitan ng militar at ng hinihinalang miyembro ng NPA.