Umabot sa humigit-kumulang 500 indibidwal sa lungsod ng Lapu-lapu ang naging biktima ng scam matapos nakabili ang mga ito ng lote na nasa fishpond.
Nagmula pa ang mga ito sa dalawang lugar sa Brgy. Calawisan na may 430 na biktima; Brgy. Canjulao na mayroong 20; ganun din ang Brgy. Babag na may 20 biktima; at Cordova na may mahigit 30 indibidwal na apektado.
Hindi na muna pinangalanan ang scammer hanggang sa maisampa ang mga kaso sa korte.
Sa pagdulog kahapon, Setyembre 12, ng nasa 20 biktima sa tanggapan ni Lapu-Lapu City Mayor Junard Ahong Chan para humingi ng tulong, ibinunyag ng mga ito na pinangakuan pa umano sila ng seller na tatambakan din ng lupa ang bahaging lubog sa tubig.
Ayon pa, nagbabayad ang mga ito nang installment mula pa noong 2016 at naakit matapos pinakitaan ng tax declaration.
Paliwanag naman ni Chan na ang tax declaration ay para lamang magbayad ng buwis at para magkaroon ng lupa, kailangan ng titulo.
Nang suriin pa ng alkalde ang mga inalok na lugar, ipinapakita na ang mga ari-arian ay nauuri bilang mga fishpond at hindi maaaring tituluhan.
Ibinunyag pa ng mga biktima na pinagbabayad sila ng P5,000 downpayment na may buwanang singil na P3,500 hanggang P5,500, batay na rin sa laki ng lugar na kanilang nais.
Sa ngayon, sinabi ng alkalde na ang kanilang pokus ay mabawi ang mga halagang binayaran mula 2016 hanggang sa kasalukuyan at posibleng kabilang ang interes.