Tiniyak ng pamahalaang panlalawigan ng Cavite na makakatanggap ng karampatang kompensasyon ang mga residenteng apektado ng tumagas na langis mula sa lumubog na MT Terranova sa Limay, Bataan.
Ayon kay Cavite Governor Jonvic Remulla, tinatayang aabot sa mahigit P12 million ang ibibigay na kompensasyon para sa 31,000 mangingisda sa tamang panahon matapos ang isinagawang validation sa danyos ng malawakang oil spill.
Ang naturang halaga ang tinatayang danyos sa nakalipas na 12 araw at sa mga susunod pa mula ng tumagas ang langis.
Saad pa ni Gov. Remulla na tinatayang P350 kada araw ang kompensasyon multiply sa bilang ng mga mangingisda, mga tindera at shellfish cage caretakers na madi-displace.
Paliwanag naman ng Gobernador na sinusunod ng provincial government ang standard procedure para sa paghahain ng insurance claims.
Binigyang diin pa ni Gov. Remulla na walang areglong mangyayari. Aniya, kapag may criminal liability sa nangyari sa MT Terranova, mananagot ang mga ito.
Samantala, kinumpirma naman ng Gobernador na nawala na ang oil sheen sa coastal areas ng Cavite.