-- Advertisements --
sunog

Tinatayang aabot na sa humigit-kumulang Php20 million ang halaga ng pinsala sa ari-ariang natupok ng malaking sunog na sumiklab sa isang warehouse ng lumber at plywood sa 8389 Dr. A. Santos ave., Barangay San Antonio, Parañaque City.

Sa gitna pa rin ito ng patuloy na pag-aapula ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa nasabing sunog na halos 12 oras na ang itinatagal mula nang magsimula ito bandang alas-11:24 ng gabi, Pebrero 6, 2023.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Senior Fire Officer 2 Giovanni Corbes, ang investigator ng BFP-Parañaque, hanggang sa mga oras na ito ay nakataas pa rin sa Task Force Bravo ang sitwasyon doon.

Sa ngayon ay patuloy pa rin aniyang inaalam ng mga kinauukulan ang sanhi ng paglagablab ng malaking sunog sa nasabing lugar na tinatayang mayroong lawak na 25,000 square meters.

Paliwanag niya, ang mga patung-patong at ga-bundok na mga kahoy sa nasabing warehouse ang nagsasanhi ng patuloy na pagliyab ng apoy dahilan kung bakit natatagalan ang mga kinauukulan sa pag-apula nito.

Samantala, wala pa namang naiuulat na mga nasaktan ang BFP na may kaugnayan sa naturang insidente.

Batay sa mga napaunang ulat, sinasabing hindi bababa sa 19 na mga firetruck ang kinakailangan ng mga bumbero para maapula ang sunog sa nasabing lugar,

Ayon kay BFP Senior Superintendent Douglas Guiyab, nagsimula ang sunog sa kuwartek ng mga manggagawa sa east-west ng isang warehouse at kasalukuyan pa ring inaapula ngayon ng mga otoridad.