Humigit kumulang P300,000 ang naitalang danyos sa nangyaring sunog sa isang storage ng Natividad Elementary School sa bayan ng Natividad, dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon kay SFO3 Francisco Suyat Jr., Acting Municipal Fire Marshall, Natividad Fire Station, bandang 2:37 ng hapon ay may tawag sa kanila na may sunog sa Natividad Elementary School at bandang alas tres na naapula ang apoy.
Agad na rumisponde ang mga kasapi ng BFP at PNP Natividad at wala namang nasaktan o nadamay sa sunog.
Ang mga nasunog ay kinabibilangan ng mga libro, mga appliances, upuan, mesa at mga modules.
Nabatid na kasalukuyang nagtuturo ang mga guro nang mangyari ang sunog at nakita na lamang ang usok na nagmumula dito kaya agad na itinawag sa mga otoridad.
Lumalabas sa initial na imbestigasyon na faulty electrical wiring ang sanhi ng sunog.