Nagpapagaling na ang Hollywood actress na si Jennifer Lawrence kasunod ng kinasangkutang aksidente sa kasagsagan ng taping ng katatampukang pelikula.
Batay sa impormasyon, mata ang napuruhan sa 30-year-old Oscar winning actress matapos umanong natamaan ng mga bubog mula sa tumilansik na basag na salamin na bahagi ng routine stunt sa naturang pelikula.
Sinasabing natakot ang “Hunger Games” star kung saan siya ay napasigaw at bumagsak pa sa sahig ngunit ngayon ay OK na.
Kinailangan din siyang isugod sa ospital dahil sa posibilidad na baka may mga maliliit na bubog na nakapasok sa mata nito.
Sa ngayon ay naka-hold muna uli ang shooting hanggang sa tuluyang makarekober si Lawrence bagama’t inaasahan na hindi naman pangmatagalan kung napinsala mana ang kanyang mata.
Una itong naantala noong kasagsagan ng lockdown bunsod ng coronavirus pandemic.
Nabatid na sa Boston isinasagawa ang taping partikular ang bahagi ng riot scene para sa sci-fi drama na “Don’t Look Up” at makakasama nito si Leonardo DiCaprio.
Kabilang pa sa mga pelikula ni Jennifer Lawrence ay ang “The Poker House,” “X-Men,” “Silver Linings Playbook,” at iba pa. (OMG)