Planong palawakin ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang hurisdiksyon sa mga security agency sa bansa.
Ito’y kasunod ng pag-atake sa Resorts World Manila na ikinasawi ng 37 indibidwal habang 54 ang sugatan.
Ayon kay C/Supt. Jose Mario Espino ng Supervisory Office for Security and Investigation Agencies o SOSIA, aminado sila na kulang ang kanilang kapangyarihan sa pagpapatupad ng internal security kung kaya’t pinag-aaralan na nilang isama sa kanilang saklaw ang mga mall.
Aniya, developed na kasi ang mga mall sa ngayon at mayroon na itong whole service kagaya ng atm, condominium at hotels, kung kaya’t nararapat lamang na ito ay higpitan ng seguridad.
Paliwanag pa ni Espino, mayroon naman silang PNP manual for security na ipinamamahagi sa mga security manager pero tali ang kanilang kamay dahil guidelines lamang ito at security agency ang nagpapatupad nito.
Samantala, nanindigan ang hepe ng SOSIA na mayroon talagang kapabayaan ang N.C lanting sa pagbabantay sa Resorts World.
Napag-alaman daw kasi nila na mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-7:00 ng umaga ay isang guwardya lang ang nagbabantay sa bawat entrance ng floor na sa normal na operating hours ay dalawa.
Naniniwala si Espino kung hindi nagkaroon ng “communication problem” ay malamang hindi nangyari ang insidente at marahil ay naisalba ang buhay ng mga tao roon.
Binigyang-diin ng opisyal na dapat well trained ang mga security guard dahil sila ang first line of defense at force multiplier ng PNP sa mga pampublikong establisyamento.