Hinamon ni House Assistant Minority Leader at Camarines Sur 3rd District Rep. Gabriel Bordado Jr. ang mga mambabatas na gumawa ng isang konkretong hakbang matapos mapagtibay ang ulat ng House Quad Committee kaugnay ng extrajudicial killings (EJKs) sa pagpapatupad ng Duterte drug war.
Sa kanyang manipestasyon sa pagdinig ng komite nitong Martes, nanawagan si Bordado ng hustisya para sa mga biktima ng EJK noong nakaraang administrasyon, na inilarawan nitong isang madilim na kabanata sa kasaysayan ng Pilipinas.
Batay sa mga ebidensya na lumabas sa pagdinig ng Quad Committee, lumalabas na mayroong sistematikong paglabag sa karapatang pantao noong war on drugs campaign.
Ayon sa ulat ng komite, maaaring itulak ng mga ahensya ng gobyerno ang pagsasampa ng Republic Act 9851 kaugnay ng krimen laban sa international humanitarian law, genocide, at iba pang krimen laban sa sangkatauhan.
Sinuportahan din ni Bordado ang pagpasa ng mga panukalang batas upang matugunan ang mga butas sa batas na nakita ng Quad Comm gaya ng pagklasipika sa extrajudicial killings bilang heinous crimes, pagbabawal ng Philippine offshore gaming operators (POGOs), pagpapalakas ng mekanismo para sa civil forfeiture ng mga ari-arian na iligal na binili at pagtatayo ng isang independent na Philippine National Police Internal Affairs bilang independent at autonomous agency.