Bumuhos na rin ang pagkundena at paghahanap ng hustisya ng local at foreign media groups kaugnay ng pamamaril sa himpilan ng Bombo Radyo GenSan nitong Miyerkules ng gabi.
Mula sa iba’t-ibang radio, TV stations, lumabas din ang mga balita at pagkundena sa diyaryo at online news, bukod pa sa mga pahayag ng Kapisanan ng mga Brodkasters ng Pilipinas (KBP), National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at iba pang local organizations.
Maging mga opisyal ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno, katulad ng Philippine National Police (PNP), Securities and Exchange Commission (SEC) at iba pa ay nakisimpatiya rin sa Bombo Radyo.
Maliban sa local groups at personalities, kinondena rin ito ng International Freedom of Expression Exchange (IFEX), Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) at Southeast Asian Press Alliance (SEAPA).
Kaalinsabay nito, tiniyak ng Bombo Radyo Philippines na hindi ito magpapatinag sa mga pagtatangkang patahimikin ang malayang pamamahayag at pagpuna sa mga maling sistema sa lipunan na nakakaapekto sa buhay, kabuhayan at kaayusan.