-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Hindi naniniwala ang pamilya ng Overseas Filipino Worker (OFW) na si Wendy Lubrin na siya ang pumatay sa kanyang amo sa Lebanon.

Unang napaulat sa Lebanon na si Lubrin ay nabaril ng anak ng amo matapos umanong barilin at patayin ang employer na si Malik Mesir.

Si Lubrin ay tubong Malalam, City of Ilagan, Isabela ngunit nakapag-asawa ng taga-Davao at doon naninirahan ngayon ang kanyang mister at dalawang anak.

Sa naging eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Winnie Jine Tayopon, nakababatang kapatid ni Wendy na tumawag sa kanila ang Philippine Embassy sa Lebanon at ipinabatid ang nangyari sa kanyang kapatid.

Binaril niya umano ang among si Malik ngunit nakita ng 17 anyos na anak na si Kalil at nagkaroon ng agawan sa baril hanggang mabaril ang kanyang kapatid na isinugod sa ospital ngunit hindi na nailigtas.

Ayon kay Tayopon, mahirap tanggapin ang nangyari sa kanyang kapatid ngunit pinipilit nilang kayanin.

Huli silang nagkausap ng kanyang kapatid noong Sept 6, 2021 at sinabing uuwi na siya sa Marso 2022 at magnenegosyo na lang.

Duda si Gng. Tayopon na ang kapatid ang bumaril sa kanyang amo dahil magkasundo sila ni Malik na nakakausap din nila noon.

Naikuwento niya na minsang tumawag ang kapatid sa kanya ay sumisigaw dahil inaawat ang dalawang anak ng amo na madalas mag-away.

Nabanggit din sa kanya ng kapatid na hindi magkasundo ang amo at anak na lalaki at kapag hindi siya umaawat ay posibleng matagal na silang nagpatayan.

Kapag nagsisigawan umano ang ang mag-ama ay itinatago ni Wendy ang mga kutsilyo sa kusina dahil mahilig kumuha ng kutsilyo ang binatilyo kapag nag-aaway sila ng kanyang ama

Hustisya ang sigaw ng pamilya Lubrin sa pagkamatay ni Wendy dahil naniniwala sila na hindi niya magagawa ang pagpatay sa amo.

Sinabi ng isa pang kapatid ni Wendy na si Fanilyn na nagtrabaho rin noon sa Lebanon na nais nilang maiuwi sa lalong madaling ang kanyang bangkay para makita at mabigyan nila ng maayos na libing.

Hiniling nila kay Kalihim Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employment (DOLE) na tulungan sila para sa isasagawang imbestigasyon upang malinis ang pangalan ng kapatid.

Binanggit din ni Fanilyn na kinausap na nila ang asawa at mga anak ng kapatid sa Davao at pumayag na iuwi sa Lunsod ng Ilagan iuwi ang bangkay ni Wendy.

Nakipag-ugnayan na rin sila sa Department of Foreign Affairs (DFA) at magpiprisinta sila ng supporting documents para maiuwi ang bangkay ng kapatid.

Nanawagan din ng tulong ng pamahalaan sa pamamagitan ni Labor Secretary Silvestre Bello III si Gng. Isabel Lubrin para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng anak at maiuwi ang kanyang bangkay.

Mabait at matulungin aniya ang anak dahil mula nang ma-stroke siya ay si Wendy na ang tumutulong sa kanya.

Samantala, tulad ng pamilya ay hustisya rin ang hangad ng OFW na kaibigan ni Wendy Lubrin sa kanyang pagkamatay sa Lebanon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jocy Redona, sinabi niya na matagal na silang magkaibigan ni Lubrin matapos magkakilala dahil magkapatid ang una nilang mga amo.

Si Redona ay nakauwi na sa bansa noong LInggo at sumasailalim sa quarantine sa isang hotel sa Quezon City.

Sinabi niya na isang taon matapos siyang umalis sa amo ay nagpalit din ng amo ang kaibigan.

Iginiit niya na mabait matulungin si Lubrin at naniniwalang hindi magagawa ang ibinibintang sa kanya na pagpatay niya sa kanyang amo dahil kasundo niya ito.

Siya ang pinagkakatiwalaan ng among si Malik sa pamamahala sa kanilang hardware at gabi na kapag umuuwi sa bahay ng amo.

Kapag Linggo na hindi sila nagbebenta sa hardware ay hindi rin siya gaanong pinagtatrabaho sa bahay ng amo dahil binibigyan siya ng pagkakataong magpahinga o mag-day off.

Huli silang nag-usap ni Lubrin noong ika-6 ng Setyembre at magkikita sana sila noong ika-11 ng Setyembre ngunit hindi na ito nangyari dahil itinawag sa kanya ng isang kaibigan na patay na si Lubrin.

Ang sinabi umano ng anak ng amo ay si Lubrin ang nakapatay sa kanyang ama.

Nag-agawan umano sila ng baril at nabaril niya si Lubrin kaya namatay.

Ayon kay Rodena, palaging kuwento sa kanya ni Lubrin na parang aso at pusa ang lalaki at babaeng anak ng kanyang amo.

Palagi ring nag-aaway ang mag-ama at laging kumukuha ng kutsilyo kapag nag-aaway sila.

Dahil dito ay itinatago ni Lubrin ang mga kutsilyo sa kusina kapag naririnig niyang nag-aaway ang mag-ama.

Sinabi ni Redona na hanggang ngayon ay hindi siya nakakatulog nang maayos at hindi matanggap ang pagkamatay ng kaibigan.