-- Advertisements --

VIGAN CITY – Malapit na umanong makamit ng pamilya Silawan ang hustisya sa nangyaring karumal-dumal na krimen na ikinamatay ni Christine Lee Silawan na pinaniniwalaang hinalay muna, bago pinatay at binalatan ang mukha sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Commission on Human Rights (CHR) spokesperson Atty. Jacqueline de Guia, sa pagkakakustodiya umano ng Public Attorney’s Office (PAO) sa dalawang testigo sa nasabing krimen ay hindi malayong sa lalong madaling panahon ay makamit na ng pamilya ni Christine ang inaasam nilang hustisya.

Ayon kay de Guia, nakahanda umano ang kanilang tanggapan upang makipatulungan sa isinasagawang imbestigasyon sa nasabing kaso upang mapanagot ang mga tunay na nagkasala.

Una nang sinabi ng tagapagsalita ng nasabing komisyon na pinaplantsa na nila ang tulong-pinansyal na ibibigay nila sa pamilya Silawan upang mabawasan ang kanilang gastusin.