Nananawagan ang Malacañang sa publiko na huwag na munang gatungan ang insidente ng pagbangga ng Chinese vessel sa bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank.
Sinabi ni Cabinet Sec. Carlo Nograles, mayroong tinatawag na diplomatic channels at diplomatic protocols sa ganitong mga insidente.
Ayon kay Sec. Nograles, makabubuting makita muna nila nang buo ang mga pangyayari, pag-usapan ang mga nararapat gawin at hayaan ang Department of Foreign Affairs (DFA) na gawin ang tungkulin nitong makipag-diplomasya.
Mamayang hapon ay magkakaroon ng joint Cabinet cluster meeting sa Malacañang na pangungunahan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana para sa Security, Justice and Peace Cluster at ni Sec. Carlos Dominguez para naman sa Economic Development Cluster.
Inaasahang tatalakayin rito ang pagbangga ng Chinese vessel sa bangka ng mga Pilipino at kung paano ito tutugunan.
Tiniyak ni Sec. Nograles na ipararating nila agad kay Pangulong Rodrigo Duterte ang
mabubuong rekomendasyon sa magaganap na pagpupulong para makapagpasya ng nararapat na aksyon ang pangulo sa lalong madaling panahon hinggil sa pangyayari sa Recto Bank.