KALIBO, Aklan— Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang itinuturing na high value individual matapos na maaresto sa ikinasang drug buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng Provincial Drug Enforcement Agency, Kalibo Municipal Police Station at Maritime Police sa bayan ng Kalibo, Aklan.
Kinilala ni PDEA VI provincial officer Nicolas Gomez ang suspek na si Vincent Villanueva, sa legal na edad at residente ng nasabing lugar kung saan, narekober sa kaniya ang isang sachet ng suspected shabu kapalit ng buy-bust money na P20,000.
Sa isinagawang body search sa suspek, narekober ang dagdag na pitong bulto ng suspected shabu na may market value na mahigit sa P280,000 pesos.
Si Villanueva ay kasalukuyang nasa kustudiya ng pulisya at sasampahan ng karampatang kaso.
Samantala, tiniyak ni Gomez na hindi lamang si Villanueva ang huling masakote ng pulisya kundi marami pa aniyang nakahanay sa kanilang talaan at hindi sila titigil hanggat hindi maaresto ang mga ito.