-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Matagal na isinailalim sa casing and surveillance ang high value target na subject ng anti-drug operation sa Purok 5, Brgy. 49 Bigaa, Legazpi City, Albay.

Kinilala itong si Ronan Alagaban na nakuhanan ng nasa 250 grams ng pinaniniwalaang shabu na may market value na P1.7 million at buy-bust money.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay IA (Investigation Agent) III Noe Briguel, provincial director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Albay, kalalabas pa lamang nito sa kulungan sa kasong may kinalaman sa iligal na droga na kinaharap ng nakaraang taon.

Napagbigyan ang plea bargaining at sa paglabas, napag-alaman na bumalik sa iligal na transaksyon.

Dahil dito, nagpahayag ng pag-alma si Briguel sa nasabing agreement na tipikal aniya na nauuwi sa pagre-relax muli at pagbalik sa iligalidad sa mga sangkot na indibidwal.

Kung palalakasin aniya ang implementasyon at partisipasyon sa reform and rehabilitation programs, posible pang mabago ang buhay ng mga ito.