LEGAZPI CITY – Nag-abiso ang Commission on Elections (COMELEC) na huwag nang hintayin pa ang desisyon kung ma-postpone ang susunod na halalan bago magparehistro.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Provincial Elections Supervisor Atty. Maria Aurea Bunao, tapusin na umano ang ‘manyana habit’ upang matiyak na makapagparehistro bago ang Setyembre 30, 2019.
Kailangan lamang umano ang presensya ng magpaparehistro na magsisilbing panumpa na tama at totoo ang mga ibinigay na impormasyon.
Mula naman Agosto 14 ang pag-uumpisa ng pagpa-reactivate sa mga botanteng dalawang magkasunod na eleksyon nang hindi bumoto.
Ipapatawag umano ang mga registrants na walang pirma sa form partikular na sa taong 2008 kung saan pumayag ang COMELEC para sa pagparehistro ng mga ito kahit walang pirma.
Samantala, pinakamahalagang paalala ng COMELEC Albay sa mga kabataan na i-exercise ang karapatang bumoto na bahagi ng kanilang obligasyon sa bayan.