LEGAZPI CITY – Isinusulong ng isang mambabatas na sa halip na automated ay subukan ng Pilipinas ang hybrid elections.
Ito ay kasunod ng pagkuwestyon sa Commission on Elections (COMELEC) kaugnay ng May 13 polls kung saan nagkaroon ng data log sa transparency server sa loob ng pitong oras.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay ACTS OFW Party-list Rep. Anacito Bertiz III, marami umanong bansa ang una nang nagpatupad ng automated elections subalit bumalik pa rin sa hybrid.
Paliwanag ni Bertiz na mas may integridad ang resulta ng hybrid polls kumpara sa automated.
Sa naturang uri ng botohan, dadaan sa manual counting na makikita na ng mga botante subalit electronic ang proseso sa pagsumite ng data.
Samantala, kahit pa tapos na ang halalan at naiproklama na ang mga nanalo, hangad ng kongresista na maitama ang mali at palitan ang lahat na hindi nag-perforn ng maayos.