Naglabas ngayon ng sama ng loob ang Pangulong Rodrigo Duterte sa nangyayaring krisis sa Marawi City na mahigit na sa isang buwan.
Ginawa ng pangulo ang mga pahayag sa ginanap na espesyal na selebrasyon ng Eid’l Fitr sa Malacanang makalipas ang halos isang linggo muli na hindi nagpakita sa publiko.
Binigyang diin ng presidente na maging siya ay labis din na nasasaktan sa nangyayari kaya “nagso-sorry” siya.
Naiintindihan umano niya ang mataas na emosyon lalo na ng mga residente na nawalan ng tahanan na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakabalik sa kanilang bayan.
Halos mangiyak-ngiyak na inilahad ng pangulo ang pagkagalit sa ginawa ng Maute terror group na sa huli ang masyado raw kawawa ay ang mga bata at mahihirap na sibilyan.
Ayon sa punong ehekutibo, bilang presidente mula sa Mindanao, alam umano niya ang sakit sa puso sa mga naapektuhan.
Kabilang aniya sa masakit para sa kanya ay ang pilit na ipinapasok ng mga terorista ang dayuhang idolohiya na ang layunin naman ay pumatay ng kapwa.
Tinuligsa rin ng presidente at minura ang pinaggagawa ng Maute-ISIS.
Kaugnay nito, tiniyak ng pangulo na paglalaanan niya ng malaking pondo ang Marawi City at ibabangon muli.
Ibabalik umano niya ang dating ganda o kaya higit pa sa dati ang siyudad ng Marawi.
Inatasan na raw ng chief executive ang kanyang economic team na gumawa ng paraan.
Aminado ang Pangulong Duterte na kung hindi niya ito magawa at maitayo muli ang Marawi, tatatak umano sa kasaysayan na ibubunton ang sisi sa kanya bilang “kontrabida.”
Muli rin namang idenipensa ng commander-in-chief ang pagsasailalim sa Martial Law sa buong Mindanao.
Aniya, bago paman ang pag-atake ng mga terorista ay may hawak na siyang mga impormasyon ukol sa gagawin ng Maute.
Alam din daw ng presidente na magiging pahabaan ang labanan sa lungsod dahil pinaghandaan ito ng husto ng Maute.
“Rest assured that the entire nation is beside you during this challenging period in your lives. We will be with you as you rebuild your homes and localities, and as you realize your dreams of a better life. As Filipinos, all of us share a common destiny bound by this island we call home. So let us unite to achieve our common goals. With our solidarity and faith in each other, let us make Mindanao and the Philippines a land of order, stability, harmony and prosperity,” ani Pangulong Duterte
Samantala, kabilang naman sa inimbitahan sa pagtitipon sa Palasyo liban sa mga cabinet members, top government officials, ilang piling mambabatas, ay ilang mga opisyal mula sa Marawi, Mindanao leaders, kasama na ang MILF.