LEGAZPI CITY – Lalo pang lumakas ngayon ang mga panawagan na isantabi na muna ang pagtalakay ng ilang isyu at problema sa 30th Southeast Asian (SEA) Games at pagtuunan ng pansin ang laro ng mga atletang Pilipino.
Inihayag ni Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, may tamang panahon upang papanagutin ang mga responsable sa kapalpakan.
Hadlang kasi umano sa magandang performance na maipapamalas ng mga ito ang mga isyu.
Makapag-cheer, inspire at motivate umano ang kailangan ng mga manlalaro sa ngayon at hindi singilan o batuhan ng sisi sa mga problema.
Pakaisipin rin umano ng lahat na “historic moment” para sa bansa ang muling makapaghost ng SEA Games.
Sa kabilang dako, inihahanda na rin ng party-list group ang monetary incentive na matatanggap ng mga atleta mula sa rehiyon na makakasungkit ng medalya.
Kabilang sa mga Bicolanong sasabak sa SEA Games ang Palarong Pambansa 2019 record-breaker sa triple jump mula sa Sorsogon, Jasmin Bombita at kauna-unahang WGM Janelle Mae Frayna ng bansa sa chess na tubong Albay.