Nagpahayag si US President Donald Trump ng kaniyang pagnanais na makita sa personal ang whistleblower na naglabas ng mga sensitibong detalye hinggil sa pakikipag-usap nito sa pangulo ng Ukraine.
Ito ay matapos ihayag ni House Intelligence Committee Chairman Adam Schiff na tentative pa ang kasunduan kung kailan haharap ang naturang whistleblower sa komite.
Ayon kay Trump, tulad umano ng ibang Americans ay karapatan niya rin na makilala ang nagbibintang sa di-umano’y paglabag nito sa batas ng Estados Unidos.
Nagpadala naman ang mga abogado ng hindi pa kilalang whistleblower ng sulat kay Director of National Intelligence Joseph Maguire kung saan nakabalangkas dito ang safety concerns ng kanilang kliyente dahil sa walang tigil na tirada ni Trump laban dito.
Sa kabila nito, nagawa pa rin nilang magpa-abot ng pasasalamat kay Maguire dahil sa umano’y suporta nito upang magamit ang mga tamang resources upang masigurado ang kanilang kaligtasan.
Iginiit din ng mga ito na nasa ilalim ng federal protection ang kanilang kliyente taliwas sa mga naglalabasang ulat.