-- Advertisements --

Hangad ni Ruffa Gutierrez na kakalma na ang publiko na aniya’y nagkaroon lamang ng maling interpretasyon sa pagkakaibigan nila ni Herbert Bautista.

Pahayag ito ng 47-year-old beauty queen turned actress, kasunod ng paglilinaw na hindi siya buntis at hindi rin nakunan, hindi muling ikinasal, at higit sa lahat hindi nagsabi na mayroong boyfriend.

Ruffa clears 2

Tinipon pa mismo ng Miss World 1993 second runner-up ang aniya’y mga fake news tungkol sa kanila ni Bistek, sabay dugtong na tinutukoy nito na #1 sa kanyang puso na kanyang iboboto ay #1 din daw sa puso ng lahat.

Kamakailan lang sa isang campaign rally nang payuhan ng senatorial bet ang kaibigan nitong si Kris Aquino na magpagaling at kumain ng marami, matapos ang naging patutsada sa kanya habang nasa campaign sortie rin.

Sa hugot line kasi ni Kris, naging paksa ang koneksyon daw ng paghahanap ng karelasyon sa pagpili ng boto na dapat aniya ay para sa reliable o maaasahan, bagay na hindi raw taglay ng kanyang ex bagama’t hindi naman niya ito direktang tinukoy.

Una na siyang ipinagtanggol ng kanyang rumored girlfriend na si Ruffa sa pagsasabing “be kind to your ex.”

Ayon sa 53-year-old actor turned politician, baka naman daw ibang tao ang tinutukoy ni Kris sabay banggit sa sinusulong na kasabihan ng kanilang grupo na “pag ikaw ay binato ng bato, batuhin mo ng burger.”

“Nanginginig yung tuhod ko, baka awayin ako,” natatawang sambit ni Bautista. “Malaki ang respeto ko sa pamilya mo at saka sa ‘yo. At ang aking pagmamahal sa ‘yo… bilang kaibigan, ay hindi na mawawala. So, pagaling ka and kain ka ng marami.”

Kung maaalala, nakikipaglaban ang 51-year-old TV host/actress sa isang auto-immune disease na dahilan ng pagbagsak ng kanyang katawan.