Hinimok ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde ang mga walang pasok ngayong araw na ito na mas mainam na mamasyal na lang sa mall at iwasan ang mga ma-traffic na lugar.
Ito ay upang hindi na makadagdag sa problema ng trapiko sa mga lugar kung saan magdaraos ng kilos protesta ang mga nakikiisa sa “National Day of Protest” ngayong araw.
Ayon kay Albayalde, ang trapiko sa ngayon ang kanilang main concern matapos pahintulutan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng mga may reklamo sa buhay na magmartsa sa mga lansangan.
Dahil dito, sinabi ng NCRPO chief na may permit o wala ay malayang makakapag-rally ang alinmang grupo, basta’t tiyakin nila na mapayapa ang kanilang pagtitipon at hindi makaka-abala sa ibang mga mamamayan.
Inabisuhan ng pulisya ang mga motorista na iwasan ang Luneta area, Roxas boulevard/ US Embassy area, Mendiola, Liwasang Bonifacio at Plaza Miranda sa Maynila; habang sa Quezon Memorial Circle/ UP area naman sa lungsod Quezon dahil dito ang sentro ng mga aktibad ng mga ralyista ngayong araw.
Wala naman aniya silang na-monitor na planong pagtitipon sa EDSA shrine, na posibleng makaapekto sa pangkaraniwang masikip na traffic sa naturang lansangan.