Inamin ni dating US ambassador to Ukraine Marie Yovanovitch na lubos siyang nababahala sa mga binitawang salita ni President Donald Trump sa huling pakikipag-usap nito kay Ukrainian President Volodymyr Zelensky.
Ito ay matapos ilabas ng House Intelligence Committee ang unang kopya ng transcripts mula sa isang closed-door testimony.
“I was shocked. I mean, I was very surprised that President Trump would — first of all, that I would feature repeatedly in a presidential phone call, but secondly, that the president would speak about me or any ambassador in that way to a foreign counterpart,” ani Yovanovitch.
Isiniwalat din ng career diplomat na noong lumapit siya kay US Ambassador to the European Union Gordon Sondland upang humngi ng advice ay sinabi lamang nito na ituloy ang pagpuri sa American president.
Sinimulan din umano ni Rudy Giulani, personal attorney ni Trump, na i-discredit siya noong 2018.
Nais daw kasi ni Giulani na imbestigahan sina 2020 presidential hopeful Joe Biden at anak nito upang masira ang kaniyang reputasyon sa nalalapit na halalan.
Ayon pa rito, binantaan din siya ng justice minister ng Ukraine na mag-ingat dahil sigurado raw na binabantayan ng Trump administration ang kaniyang bawat galaw.
Sinabi rin nito sa mga mambabatas na tinawagan siya ng kaniyang boss upang sabihan itong bumalik na ng Estados Unidos.
“She said it was for my security, that this was for my well-being, people were concerned,” saad ni Yovanovitch.
Nakasaad din sa kaniyang testimonya na sinubukan ni Giulani na humingi ng US tourist visa para kay dating Ukrainian chief presecutor Viktor Shokin. Una nang tinanggihan ng state department na bigyan ito ng visa dahil sa kaniyang corrupt activities.