Buo ang tiwala ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na gagalangin at masusunod ang kasunduan nila ni House Speaker Alan Peter Cayetano para sa pinakamataas na posisyon sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Sa interview sa Kamara, iginiit ni Velasco na masyado pang maaga para magkomento sa usapin na ito gayong base sa gentleman’s agreement nila ni Cayetano ay sa Oktubre 2020 pa naman matatapos ang termino nito bilang lider ng Kamara.
Sa ngayon sinabi ni Velasco na nakatuon ang kanyang atensyon sa kanyang trabaho bilang chairman ng House Committee on Energy at pagpasa ng mga panukalang batas na makakatulong sa pagpapababa ng singil sa kuryente sa bansa.
Sa kanilang kasunduan, si Cayetano ay binigyan ng 15 buwan para sa speakership post at ang nalalabing buwan sa 18th Congress ay ibibigay kay Velasco.
“Sa akin alam ko tuloy pa rin. An agreement is an agreement. A gentleman’s agreement is a gentleman’s agreement,” ani Velasco.
“Based on the gentleman’s agreement, I will see you next year as the next Speaker of the House,” dagdag pa nito.
Samantala, tiniyak naman ni Velasco magkakaroon pa rin ng botohan para sa speakership post sa kabila ng kasunduan nila ni Cayetano.