-- Advertisements --

Magsasagawa pa rin ng serye ng dry run ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa provincial bus ban sa EDSA.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, boluntaryo lang muna ang practice na ito at kung sakaling bawiin ng korte ang temporary restraining order (TRO), saka lang maisasakatuparan ang malawakang dry run.

Sa ilalim ng panukalang provincial bus ban, hanggang Valenzuela na lang ang mga magmumula sa norte, habang sa Sta. Rosa, Laguna naman kung galing sa katimugan ng Metro Manila.

Ang lalabag ay papatawan ng P5,000 multa para sa bus operators, at P1,000 naman ang multa sa driver.

Nagpatupad ng TRO ang Quezon City Regional Trial Court para sa nasabing bus ban matapos magpetisyon ang mga bus operator.

Sa kasalukyan inihahanda na ng MMDA ang ihahaing apela para sa nasabing isyu.

Samantala, dapat magtiis lang muna ang publiko lalo ang mga bumibiyahe sa EDSA habang ginagawan ng MMDA ng solusyon ang napakatinding trapiko.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, bigyan muna ng tiyansa ang MMDA na hanapan ng solusyon ang problema sa trapiko at malaya rin ang publiko na magbigay ng panukala.

Ayon kay Sec. Panelo, kung maaari ay iwasan na lamang muna ang EDSA gaya niya na hindi dumadaan doon.

Bagama’t dapat aniya prayoridad ang mga public transport sa EDSA, hindi naman kategorikal na suportado ni Sec. Panelo na bawasan ang lane ng mga private cars para sa mga pampasaherong bus na sinasakyan ng mga mahihirap na mananakay.

Magugunitang maraming pasahero ng mga pampublikong bus ang nahihirapan sa yellow lane policy ng MMDA kung saan hindi na halos gumagalaw ang mga bus na siksikan sa loob ng naturang lane sa EDSA. (with report from Bombo Reymund Tinaza)