Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IAFT) ang kahilingan ng Department of Tourism (DOT) na bigyan ng entry ang mga fully vaccinated na turista mula sa mga green-list na bansa.
Ayon kay Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat, kabilang ito sa layunin ng DOT na buhayin ang industriya na lubhang naapektuhan ng halos dalawang taon na pandemya sa pamamagitan ng pagbukas ng mga destinasyon para sa domestic travel sa mga nakaraang buwan habang bumababa ang mga impeksyon.
Sinabi ni Puyat na sa nasabing pag-apruba, ang mga turista mula sa mga bansa at teritoryo sa ilalim ng green list category tulad ng Japan, Taiwan at Hong Kong ay maaari nang payagang makabiyahe sa Pilipinas.
Kasama sa green list ang mga bansang inuri ng Department of Health bilang low risk para sa COVID-19.
Ang Special Technical Working Group on Travel ay inatasan na agad na makabuo ng nasabing mga alituntunin para sa pinal na pag-apruba ng IATF.
Tanging ang mga indibidwal na fully vaccinated na may mga bakunang kinikilala ng Food and Drug Administration ng bansa sa pamamagitan ng emergency use authorization (EUA) o ang mga pinahintulutan ng World Health Organization ang papayagang makapasok sa bansa.
Samantala, gagawa rin ang DOT ng isa pang panukala kasama ang Small Technical Working Group on Travel, ang “Vaccinated Travel Lanes or Bubbles,” isang espesyal na programa para sa mga nabakunahang turista na nagmumula sa mga yellow list na bansa na maaaring payagang makapasok sa bansa sa ilalim ng ilang mga restrictions at strict conditions.