BACOLOD CITY – Tuloy lamang umano ang training ni Pinay skateboarder Margielyn Didal kahit na umiiral ngayon sa Cebu City ang enhanced community quarantine (ECQ).
Sa exclusive interview ng Star FM Bacolod kay Philippine Sports Commission (PSC) officer-in-charge Ramon Fernandez, sa pakikipag-usap nila sa Inter-Agency Task Force (IATF) at local government units ay maaaring makapag-ensayo si Didal sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ kung saan may mga handang maglaan ng facility para sa kanya upang malayang gumalaw sa skateboarding training.
“Ang sabi sa amin ng IATF pwede siyang mga practice doon sa areas na GCQ lang. Pwede naman siya sa Lapu-lapu merong skate park doon, minabuti naman ng regional director namin na si General Ferro na papa escortan si Margielyn papunta doon sa area sa facility kung saan siya magpa-practice. She’s trying her best to really stay in shape to deal with this problem,” wika ni Fernandez.
Dagdag ni Fernandez, suportado ng PSC ang target pa rin ni Didal na makapaglaro sa Tokyo Olympics matapos manalo ng gold medal kamakailan lang sa Asian Skateboarding Championships 2020 Online Skate Lockdown Video Competition.
Samantala, kasalukuyan namang nasa quarantine facility ang PBA legend kung saan siya dumiretso mula sa Cebu City at hinihintay na matapos ang 14 na araw bilang bahagi ng proseso bago siya makapagpatuloy ng trabaho bilang OIC ng PSC.
Maaalalang naghain ng sick leave si PSC Chairman William “Butch” Ramirez upang personal na asikasuhin ang kanyang asawang si Mercy, na sumailalim sa isang gall bladder surgery sa St. Luke’s Hospital sa Taguig City.