Inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang rekomendasyon ng Department of Science and Technology (DOST) kaugnay sa paglahok ng Pilipinas sa mga clinical trials na naglalayong makabuo ng bakuna laban sa COVID-19.
Batay sa IATF Resolution No. 39 na may petsang Mayo 22, 2020, pinahintulutan na ng pamahalaan ang pagsali ng bansa sa clinical trials ng apat na collaborating organizations, na kinabibilangan ng:
- Adimmune Corporation (Taiwan)
- Academia Sinica (Taiwan)
- Chinese Academy of Science – Guangzhou Institute of Biomedicine and Health (China)
- SinoPharma- Wuhan Institute of Biological Products and Beijing Institute (China)
Ayon sa IATF, bibigyan ang nasabing mga organisasyon ng requirements para sa COVID-19 vaccine target product profiles mula sa World Health Organization; pre-qualification process para sa WHO approval; at updated na guidelines sa clinical trials ng Food and Drug Administration (FDA).
“Pursuant to the foregoing, the FDA is directed to advise on the process to facilitate the issuance of permit for the conduct of clinical trial in the Philippines,” saad ng IATF.
Nakatakda ring bumuo ang bansa ng sub-technical working group na pangungunahan ng DOST para makipag-ugnayan sa Department of Health, FDA, at WHO para sa usapin ng trials.
Suportado rin ng task force ang plano ng DOST na itatag ang Virology Science and Technology Institute sa New Clark City; at reactivation ng Pharmaceutical Development Unit sa DOST-Industrial Technology Development Institute bilang isang Tuklas Lunas Center for Pharmaceuticals Development.
Maaari rin umanong simulan at palakasin pa ng naturang mga research centers ang local vaccine development ng bansa.
Ang resolusyon ay pirmado nina IATF chairperson at Health Sec. Francisco Duque III at IATF co-chair Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Una nang sumali ang Pilipinas sa clinical trials ng WHO, na kinabibilangan ng testing sa off-label drugs na nagpakita ng senyales na epektibo ito laban sa COVID-19.