-- Advertisements --

Kasalukuyang pinag-aaralan ng Inter Agency Task Force (IATF) na ilagay sa mas mababang alert level ang National Capital Region (NCR).

Ito’y sa kabila ng banta ng bagong Omicron variant ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, tinitignan na ng IATF kung napapanahon nang ilagay sa Alert Level 1 ang Metro Manila lalo na’t mababa na rin ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa NCR.

Pero nakasalalay pa rin aniya sa vaccination coverage ang pagpapababa na ng alert level hindi lamang sa NCR kundi pati sa ilang lugar sa bansa.

Kailangan kasing magkaroon ng 70 percent na vaccination coverage para sa mga senior citizens, gayundin sa persons with comorbidities at target population.

Sinabi ni Vergeire na kasabay ng pag-aaral ng IATF sa pagluluwag ng alert level sa NCR ay nais nilang tutukan ang mga komunidad sa ngayon na karamihan ay nasa Alert Level 2.

Ang NCR naman ay nasa ilalim ng Alert Level 2 hanggang sa Disyembre 15.