ILOILO CITY – Pinayagan na ng COVID-19 Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang hiling ng Iloilo City government na magbukas ng mga non-essential establishment kahit nasa modified enhanced community quarantine (MECQ) status ang lungsod.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na mismong si Department of Interior and Local Government Undersecretary Epimaco Densing III ang nagbigay sa kanya ng pahintulot na magbukas ng mga non-essential establishment sa kondisyon na masusunod ang mininum public health standard.
Ayon kay Treñas, tinanggal na rin ang mga border control sa lungsod at binuksan na rin ang mga food establishments.
Kung maalala isang buwan na isinailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Iloilo City kung saan maraming mga negosyo ang nagsara at mga empleyado na nawalan ng trabaho.