ILOILO CITY – Dumating na sa Iloilo City si MGen. Melquiades Feliciano, deputy chief implementor ng Inter Agency Task Force sa Cebu.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Jeck Conlu, tagapagsalita ng COVID Team ng Iloilo City Government, sinabi nito na pangunahing layunin ni Feliciano sa pagpunta sa Iloilo ay ipatupad ang mga hakbang na kanilang ginawa sa Cebu sa pagsugpo sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Conlu, malaki ang maitutulong ni Feliciano kung saan mas madaling maipabot sa national government ang pangangailangan ng lungsod.
Uupo rin si Feliciano sa emergency operations center sa lungsod kasama ang kanyang COVID Team at si Office of the Presidential Assistant for the Visayas ASec. Jonji Gonzales.
Maliban sa Iloilo, tutungo rin si Feliciano sa Bacolod City.