CEBU CITY – Nilinaw ng alkalde ng Talisay City, Cebu na hinihintay nalang nila ngayon ang resolution ng Inter-Agency Task Force (IATF) para muling mabalik sa general community quarantine (GCQ) status ang lungsod mula sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Ito’y matapos nagsumite ng apela ang alkalde sa IATF na i-downgrade ang status sa quarantine ng kanilang lungsod dahil hindi umano tugma ang data ng gobyerno sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) situation ng Talisay City.
Una namang kinumpirma ni Cebu Provincial Governor Gwendolyn Garcia ang pagpayag ng Regional IATF na ibalik sa GCQ ang naturang siyudad.
Ayon kay Mayor Gerald Anthony Gullas, sa ngayon ay ipinatutupad pa rin nila ang mga protocols sa ilalim ng MECQ habang hinihintay ang mismong resolution.
Kung sakali man umanong ma-implement na ang GCQ sa kanyang siyudad, ganon pa rin kaistrikto ang mga protocol na kanyang ipapatupad.
Habang patuloy namang hihigpitan ng Talisay City PNP ang pagpapatupad nga mga safety measures para masiguro ang kaligtasan ng lungsod.
Sa kanilang dako, aabot na sa 2,199 ang active cases ng COVID-19 sa Cebu City.
Sa kabuuan aabot na sa 4,364 ang confirmed cases sa lungsod kung saan nadagdag ang 146 new cases.
Habang may bagong 26 namang pasyenteng nakarekober kung saan aabot na sa 2,092 ang kabuuang bilang nga mga gumaling.
Samantala nasa 73 na ang patay sa covid sa Cebu City at siyam na ang nadagdag.