Pinag-uusapan na ngayon ng Department of Tourism (DOT) kasama ang mga partner nila sa pribadong sector, gaya ng hotels, airlines, at transport operators ang mungkahi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na pag-isahin na lamang o gawing uniform ang mga travel protocol sa iba’t ibang local government units (LGUs) kung saan may mga tourist destination.
Sinabi ni Tourism Undersecretary Benito Bengzon Jr., na malaking tulong sa sector ng turismo kung maaaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mungkahing ito ng (DILG).
Ayon kay Usec. Bengzon, mas marami umanong maeengganyong mga Pilipino ang umikot o mamasyal sa mga bukas nang tourist sites sa bansa.
Lumalabas umano sa isinagawa nilang survey na 81 percent sa 7,000 respondents ang nagsabing ang magkakaibang protocol ng LGUs ang pinaka-inconvenient sa kanilang pagbiyahe o pamamasyal sa mga lugar na bukas na sa local na turismo.
Maliban dito, inihayag din ni Usec. Bengzon na sa naturang survey 68 percent ang nagsabing malaking isyu sa kanila ang halaga ngCOVID-19 testing o namamahalan sa presyo ng pagpapa-RT-PCR test.
Kaya naman bilang tugon umano ay nakipagkasundo na ang DOT sa Philippine General Hospital (PGH) para sa mas murang RT-PCR test.