Nagpatupad na rin ng lockdown ang mga otoridad sa iba pang mga lugar partikular na ang mga lugar na matatagpuan sa loob ng 14 kilometers radius danger zone bunsod sa nagpapatuloy na pag-aalburuto ng bulkang Taal.
Dahil dito humingi ng pang-unawa ang mga otoridad sa lahat ng mga residenteng apektado.
Ang lockdown ay ipinatupad sa mga bayan ng Talisay, Balete, Lemery, San Nicolas, Agoncillo at Laurel na deklaradong nasa ilalim ng danger zone.
Ayon kay Brig. Gen. Marcillano Teofilo, pinuno ng binuong Task Group Taal ng Philippine Army, layon nito na iligtas mula sa kapahamakan ang mga residente sa mga nabanggit na bayan.
Inihayag naman ni Batangas Provincial Police Office chief Col. Edwin Quilates, naglatag na sila ng checkpoint sa entry at exit points sa mga nabanggit na bayan upang wala nang makapasok sa mga residente na nagpipilit na makabalik sa iniwan nilang mga tahanan.
Gayunman, nagbilin aniya si Police Regional Office-4A chief Brig. Gen. Vicente Danao na sakaling makiusap sa kanila ang mga residente para sagipin ang alaga nilang mga hayop ay kanila itong papapasukin basta’t ito’y sasamahan naman ng mga tauhan ng pulisya.
Subalit hindi nila papapasukin ang sinumang residente sa mga nabanggit na lugar kung ang layunin ng mga ito ay linisin ang kanilang mga tahanang nabalot ng makapal na abo habang bunsod ng pagsabog ng bulkang Taal.
Una nang inamin ng Office of Civil Defense sa Region-4A na malaking hamon ngayon sa kanila ang pagtugon sa kalamidad lalo’t maraming residente ang nagpupumilit na bumalik sa kanilang tahanan sa takot na sila ay manakawan.