Umaasa ang pamilya Sarmenta na naging daan ang kaso ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na mabulgar din ang iba pang convicted murderer na hindi dapat mapalaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mrs. Maria Clara Sarmenta, ang ina ng biktima na ginahasa at pinatay ni Sanchez, nanawagan ito na sana malantad din sa publiko ang ibang pang mga nahatulang bilanggo na hindi karapat dapat na magawaran nang tinatawag na good conduct time allowance (GCTA) para mag-qualify na makalaya.
Kung maalala iniulat ng Bureau of Corrections na nasa 11,000 inmates ang posibleng makalaya ng maaga dahil sa restorative policy na nakapaloob ang GCTA.
Una rito todo pasalamat si Mrs. Sarmenta sa Pangulong Rodrigo Duterte, ilang opisyal ng pamahalaan, media at publiko dahil sa wakas nagkaroon din ng paglilinaw na hindi dapat mapalaya ang dating alkalde.
Inamin din ni Mrs. Sarmenta na hindi nila akalain ang natanggap na pagbuhos ng suporta sa kanilang pamilya maging sa ibang bansa.
Samantala, kinilala ng pamilya Sarmenta ang naging papel ng media na nagbigay daan upang maunawaan ng publiko ang karumal dumal na ginawang krimen ng convicted mayor at mga tauhan nito.
“Nagpapasalamat po kami unang-una sa ating Panginoon. Nagpapasalamat po kami sa mahal na Pangulo, nagbigay na po siya ng statement…natuldukan na rin ang ating ipinaglalaban. Answered prayers po,” bahagi ng emosyunal at mangiyak-ngiyak na pahayag sa Bombo Radyo ni Mrs. Sarmenta. “Nagpapasalamat ako sa tulong ng media at sa mamayan. At least narinig po nila ng pamahalaan, ang ating boses na pagbibigay ng hustisya para kay Eileen.”
Para kay Mrs. Sarmenta, dapat minimum na 40 taon na magsilbi sa kulungan ang 70-anyos na si Sanchez, na ngayon ay nasa 24 na taon pa lamang na nagsisilbi sa Bilibid.