Kinumpirma ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) na bukod sa WellMed Dialysis Center, may iba pang medical entities na iniimbistigahan kaugnay ng ghost dialysis patients.
Bagamat hindi pa inihayag ng NBI Anti Graft Division, may mga pinag-aaralan na rin silang iba pang mga kumpanya na nakakubra ng pondo mula sa Philhealth tulad ng naging kalakaran sa WellMed.
Sinabi ni Atty. Ferdinand Lavin, tagapgsalita ng NBI na kabilang sa kanilang iniimbestigahan at posibleng ipagharap ng kaso ang mga opisyal ng Philhealth na nakipagsabwatan sa Wellmed.
Nanawagan din ang NBI sa publiko na lumutang at ipagbigay alam kung may karagdagang impormasyon hinggil sa mga kaduda-dudang transaksiyon na hindi paborable sa mga miyembro at gobyerno.
Samantala, nakatakda namang magsumite ng kanilang mga dokumento sina Liezel Aileen de Leon at Edwin Roberto na dating mga empleyado ng WellMed at Philhealth sa Department of Justice (DoJ) para makapasok ang mga ito sa witness protection program (WPP) ng kagawaran.
Sa pagtatanong ng Bombo Radyo Philippines kay Atty. Crispin Francis Jandusay, abogado ng dalawa sa isinagawang press conference sa NBI headquarters sa Maynila, kasalukuyan daw silang naghahanda ng mga dokumentong hinihingi ng DoJ at hihintayin ang kinakailangang certificate of materiality na magmunmula sa piskalya ng DoJ na humahawak na sa reklamo.