Inaalam na ng mga otoridad kung sino ang iba pang kasabwat ng mga naharang sa airport na gumagamit ng pekeng travel documents.
Kasunod ito ng pagkakaharang ng Bureau of Immigration (BI) sa tatlong overseas Filipino workers (OFWs) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong Lunes nang madiskubreng may pekeng visa ang mga ito.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, pinigilan ang tatlong OFW ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) bago pa sila makasakay sa flight patungong Dubai.
Sinabi naman ng OFW na inalok silang magtrabaho sa Dubai bilang mga cleaner at ipinakita ang kanilang mga dokumento.
Nang suriin na ito, nakumpirma na ang kanilang United Arab Emirates (UAE) employment visa ay tampered at walang idea ang mga biktima hinggil dito.
Itinuro ng tatlo na kagagawan ito ng recruitment agency at agad ding ini-refer ng BI sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa kaukulang imbestigasyon.
Nagbabala ngayon ang BI chief sa mga nais magtrabaho sa ibang bansa na doblehin ang pag-iingat at palaging magsasagawa ng beripikasyon.
Tumanggi muna ang kawanihan na pangalanan ang mga naharang na manggagawa dahil baka makaapekto ito sa iba pang operasyon ng kanilang tanggapan.