Posible na rin umanong ipawalang-bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang iba pang mga kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, gaya ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at Mutual Defense Treaty (MDT).
Sa isang pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na kung pagbabatayan ang body language ng Pangulong Duterte ay mukhang isusunod na rin daw nito ang EDCA at MDT sa Visiting Forces Agreement (VFA).
Ilang ulit na aniyang sinasabi ng pangulo na panahon na raw para tumayo sa sariling paa ang Pilipinas at hindi na umasa sa ibang bansa at maging isang parasite.
“That’s the logic but I don’t know if it will come to that,” wika ni Panelo. “I’m just reading the body language of the President. That will be logical kung the premise is we have to strengthen ourselves that means you won’t be relying on any country for your defenses.”
Nakaangkla ang EDCA sa VFA, habang base naman sa MDT ay magbibigay ng suporta sa isa’t isa ang Pilipinas at Amerika sakaling mayroong pagsalakay mula sa labas.
Samantala, iginagalang ng Palasyo ang naging reaksyon ni US President Donald Trump sa pagbasura ng Pilipinas sa VFA.
Pero ayon kay Panelo, titingnan pa raw nila kung seryoso ang pahayag ni Trump.
“Let’s see how his words will match the actions of the US government,” ani Panelo.
Muli ring inihayag ng kalihim na hindi papansinin ng Pangulong Duterte ang anumang hakbang ng Amerika para iligtas ang kasunduan.
“That is his position. That’s the President’s position. He won’t entertain any initiatives coming from the US government,” anang opisyal.
Una rito, sinabi ni Trump na hindi raw niya binibigyan ito ng bigat dahil kung tutuusin mas makakatipid pa nga raw ang Estados Unidos sa pagpapawalang-bisa sa kasunduan.
“If they would like to do that, that’s fine, we’ll save a lot of money,” pahayag ni Trump.