TACLOBAN CITY – Dahil sa takot na mahawaan ng nakamamatay na novel coronavirus ay gusto nang umuwi sa Pilipinas ng ilang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Shanghai, China.
Ayon kay Bombo international correspondent Jane Madriaga, sobrang takot na ang kanilang nararamdaman sa ngayon sa sitwasyon sa kanilang lugar.
Sinabi pa nito na kung magkakaroon ng repatriation ang gobyerno para sa mga OFWs sa China ay hindi umano sila magdadalawang-isip na umuwi sa kabila ng kanilang magandang trabaho sa nasabing lugar.
Dagdag pa nito na sa ngayon ay may ilang casualty na sa Shanghai dahil sa nasabing coronavirus at posible ring magpatupad ng lockdown sa kanilang lugar.
Pahirapan din umano ang pagbili ng kanilang mga pangangailangan lalong lalo na ng mga vitamins at gamot dahil nagkakaubusan na sa mga botika.
Wala na rin silang mabilhan ng mask sa Shanghai at ang ilan ay napilitan na lamang na bumili o mag-order nito mula sa ibang bansa para lang magamit na proteksyon kontra sa nasabing virus.