Aasahan pa ang mga bagong pasabog sa itinakdang hearing ukol sa pagpapalaya sa ilang convicted criminals mula sa New Bilibid Prisons (NBP).
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, hindi malayong may sangkot na pera sa usaping ito.
Giit ng senador, walang transparency sa ginagawa ng BuCor kaya sari-saring espikulasyon tuloy ang lumulutang.
Natuklasan lamang ang mga pagpapalaya sa ilang convicted criminals nang maungkat ang kaso ni dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez na nahatulang makulong ng pitong habambuhay dahil sa pagpatay at panggagahasa.
Habang apat na Chinese drug lords naman ang pinalabas, kahit napakabigat ng krimeng ginawa ng mga ito.
Kung saan sinasabi ng BI na inihahanda na ang pag-deport sa mga ito pabalik ng China.
Samantala, kinumpirma naman ng Bureau of Corrections (BuCor) na napalaya na ang halos 2,000 na inmates na convicted sa mga karumal-dumal na krimen.
Ang paglaya ng mga convict ay base sa batas ukol sa good conduct habang nasa kulungan.
Lumalabas sa data ng BuCor mula 2014 hanggang 2019 na nasa 1,914 na convicts sa kasong rape at murder ang nakalaya na mula sa kanilang pasilidad.