Maaaring mas mabibigat pang kaso ang kaharapin ni Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ, pati na ng kaniyang mga kasamahan, matapos matuklasan ang iba pang iligal na aktibidad sa Estados Unidos.
Ayon sa Federal Bureau of Investigation (FBI), maliban sa immigration fraud at fake marriages na ginagawa sa simbahan nito, maaari ring habulin ang church leader sa reklamong human trafficking.
Sa salaysay kasi ng mga nakatakas sa compound ng simbahan, pinagkokolekta raw sila ng donasyon nang labag sa kanilang kalooban at kung minsan ay sa mga sasakyan na lang sila natutulog.
May mga pagkakataon ding sinasaktan at dumaranas sila ng psychological abuse kapag nabibigong makuha ang hinihinging quota ng koleksyon.
Hiwalay ding usapin ang maling pinatutunguhan ng milyon-milyong nakukuhang pera, dahil sa halip na mailaan ito sa mga batang dapat na recipient ay ginagamit daw ang salapi ng lider na si Quiboloy para sa magarbo nitong pamumuhay.
Sa official statement naman ng kampo ni Quiboloy, sinabi ni Atty. Israelito Torreon na handa silang sagutin ang mga kaso at bahagi lamang daw ito ng mga paninira ng mga dating miyembro ng Kingdom of Jesus Christ.
“We are ready, able and willing to show and prove the innocence of the administrators of the Kingdom of Jesus Christ,” wika ni Torreon.