-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine National Police na sa tatlong indibidwal na may apelyidong Canada ibinenta ang iba pang mga armas ng puganteng pastor na si Apollo Quiboloy.

Ito ang inihayag ng Pambansang Pulisya kasunod ng mga ulat na ibinenta na sa iba ang 14 na mga armas na nakarehistro sa ilalim ng pangalan ng naturang wanted na pastor.

Ayon kay PNP Public Information Office chief, PCol. Jean Fajardo, noong Disyembre pa ng nakaraang taon ibinenta ng kampo ni Quiboloy sa naturang mga indibidwal ang kaniyang mga armas.

Aniya, anim sa 14 na mga baril ni Quiboloy ay ibinenta sa isang indibiwal na nagngangalang “Cresente Canada”.

Kung maaalala, mayroon ding indibiwal na nagngangalang Cresente Canada na isa rin sa mga kasamahan ng pastor kabilang na sina Paulene Canada, Ingrid Canada, Sylvia Camanes, at Jackiely Roy na pawang mga respondents ng arrest order na inilabas ng Davao Regional Trial Court laban sa kanila noong Abril 3, 2024 na may kaugnayan sa mga kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law.

Sabi ni PCol. Fajardo sa ngayon ay iniimbestigahan na ng PNP Firearms and Explosives Office kung iisa tao lamang ang mga ito, at sa oras aniya na mapatunayang iisang tao lang ang bumili ng armas ni Quiboloy at ang respondent sa warrant of arrest ng korte ay muli aniyang maglalabas ng revocation ng LTOPF ang kapulisan ukol dito.

Matatandaan na kamakailan lang ay iniulat ng Police Regional Office 11 na Isinuko na ng kampo ni Quiboloy ang lima sa kaniyang mga barilna kinabibilangan ng Colt rifle, two Beretta pistols, and two Metrillo pistols. /