-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Nagpapatuloy sa ngayon ang assessment ng lokal na gobyerno ng Bukidnon sa kabuuang damyos na iniwan ng magnitude 5.9 na lindol na sumentro sa bayan ng Kadingilan.

Sa esklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Anne Mary Obido ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Kadingilan, patuloy ang kanilang isinasagwang assessment at ideneploy na ang Rapid Damage Assessment and Needs Analysis o RDNA Team, kasama ang Department of Social Welfare and Development o DSWD, Bureau of Fire Protection o BFP, PNP, at 88th IB Philippine Army sa 17 barangay sa kanilang bayan na apektado ng malakas na pagyanig.

Ayon kay Obido, nasa tinatayang 100 na ang mga apektadong bahay dahil sa lindol samantala marami din ang nasira sa mga pampublikong opisina at pribadong establishemento galing sa mga barangay na kinabibilangan ng Brgy Sibonga, Brgy Poblacion, Brgy Kibogtok, Husayan, Pay-as, Bagor, San Andres, Brgy Cabadiangan, Kibalagon, Matampay, Baroy at Brgy Malinao.

Apat naman ang naitalang casualties kung saan 1 ang nagtamo ng head injury, 1 ang nawalan ng malay at 2 naman ang natrauma dahil sa lindol.

Samantala, sinunspende naman ang klase sa lahat ng lebel, pribado man o pampublikong paaralan sa kanilang bayan.

Wala naman ideneklarang work suspension kung saan nagpatayo na lamang ng tents sa labas ng munisipyo na magsisilbing operation center upang matulungan ang mga apektadong residente lalong lalo na ang pagbibigay ng medical assistance.

Sa ngayon, inabisuhan na nila ang mga residente na manatiling kalmado at manatili sa mga open spaces sa labas ng kanilang bahay upang maging ligtas dahil posible pang maramdaman ang mga aftershocks.