Pinulong ni Senador Raffy Tulfo bagong Chairperson ng Senate Committee on Public Services ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang talakayin ang mga isyu sa sektor ng transportasyon, telekomunikasyon at utilities and franchises.
Isa sa mga natalakay ang kasalukuyang implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng Department of Transportation (DOTr) na kung saan kinuwestiyon ni Tulfo ang planong pag-aangkat ng modern units ng jeepney mula pa sa China imbes na magpagawa sa mga local manufacturers sa mas mababang halaga.
Kaya imbes na itulak ang jeepney phaseout, iminungkahi ng senador sa ahensya na baguhin ang kanilang sistema para mabawasan ang congestion at iba pang problema sa kalsada.
Kinalampag naman ni Tulfo ang atensiyon ng pamunuan ng MRT-3 dahil sa madalas na pagkasira ng mga tren, maging ng mga elevators at escalators sa mga istasyon nito.
Hinimok nito ang ahensya na palitan na ang kasalukuyang maintenance service provider ng MRT-3 na Sumitomo Corporation para maiwasan na ang kapalpakan na nagpapasakit sa mga commuters.
Samantala, pinaalalahanan din ni Tulfo ang Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA) na dapat ay wala nang lulubog na pampasaherong bangka sa kanyang termino bilang Public Services Chairperson.
Inobliga niya rin na ipatupad ang stricter monitoring at sea worthiness inspections bago pumalaot ang mga ito. Dito ay dapat magkaroon ng sapat na availability ng life vest at life boats para sa kanilang mga pasahero
Sa huli, inatasan ng mambabatas ang bawat ahensyang dumalo na magsumite ng kani-kanilang mga accomplishment at assessment reports sa susunod na pagdinig upang mapag-aralan niya ang mga ito at makapagpasa ng nararapat na polisiya.