BAGUIO CITY – Sinira ng mga awtoridad ang iba’t-ibang armas sa ilalim ng Normalization Program para sa Cordillera Bodong Administration – Cordillera People’s Liberation Army (CBA-CPLA) sa Camp Bado Dangwa, La Trinidad, Benguet.
Pinangunahan ito ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) sa pamamagitan ni Presidential Peace Adviser Secretary Carlito Galvez Jr.
Bahagi ito ng nagpapatuloy na peace talks sa pagitan ng pamahalaan at ng CBA-CPLA.
Sa mensahe ni Galvez, sinabi niyang malaking hakbang ang pagpapakita ng CBA-CPLA na kanilang tinatalikuran ang armed conflict para sa usaping pangkapayapaan.
Kabuuang 444 na baril ang sinira kaninang umaga at ang mga ito ay isinuko sa pamahalaan mula pa noong 2011 maliban sa 27 na pambasabog na sinira noong 2013.
Gagawing art work o memorabilia ang mga sinirang armas at idi-display sa Mount Data, Bauko, Mountain Province bilang pag-alala sa binuong peace pact ng pamahalaan at CPLA noong 1986.